Sa kabila ng tila walang prenong pagtaas ng presyo ng pagkain, lalo ng bigas, aabot ng hanggang dalawang kutsarang kanin ang sinasayang ng mahigit 110 milyong Pilipino kada araw.
Katumbas ito ng 7.2 billion pesos na halaga ng kaning nasasayang sa bansa kada taon.
Batay sa datos ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice), aabot sa dalawang milyon ang maaaring makakain mula sa mga nasasayang na kanin kada taon.
Sa panig naman ng Department of Agriculture (DA), inaasahang aabot sa 80,000 metric tons ang rice shortage simula Hulyo hanggang Setyembre.
Ipinaliwanag ni Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista na sadyang mayroong mga panahon na kaunti ang inaaning palay o tinatawag na lean months o lean season kaya’t kailangang mag-import.
Base sa monitoring ng D.A., aabot ng dalawa hanggang tatlong piso ang itinaas ng kada kilo ng bigas ngayong Abril kumpara sa piso noong isang buwan.