Inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang 7 billion peso budget para sa pinalawak na Service Contracting Program (SCP) ng mga public utility vehicle driver na apektado ng lingguhang oil price hike.
Ayon sa DBM, layunin ng SCP na magkaloob ng cash subsidies sa mga apektadong PUV driver at tiyaking episyente at ligtas ang public transport services sa gitna ng health at economic crises.
Sa ilalim ng programa, tatanggap ng one-time payment na 4,000 pesos ang operators at drivers na lalahok sa Free Ridership Program ng gobyerno at weekly payment base sa kada kilometro ng kanilang ibinyahe bawat linggo, mayroon o walang pasahero.
Kokontratahin ang mga PUV operator sa pamamagitan ng kasunduan base sa planong inihanda ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Una nang inihayag ni LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion na palalawakin ang coverage ng SCP makaraang itaas sa 7 billion mula sa 3 billion pesos upang maisama ang mga jeep, UV express at iba pang transportation mode.