Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos Jr., na katumbas ng P7-B halaga ng iligal na droga ang umano’y kinasasangkutan ng ilang pulis sa bansa.
Kasunod ito ng pagkakadiskubre na may ilang mga tauhan ng PNP ang sangkot sa illegal drug trade kabilang na ang matataas na opisyal ng ahensya.
Matatandaang hinamon ni Abalos na magsumite ng courtesy resignation ang mga tauhan ng PNP kung saan, nasa 60% na o katumbas ng mahigit 500 pulis ang nakapagsumite na ng kanilang resignation.
Iginiit ni Abalos na habang iniimbestigahan ang mahigit 900 mga opisyal na kasama sa courtesy resignation, mananatili pa rin ang mga ito sa kani-kanilang mga puwesto at patuloy na gagampanan ang kani-kanilang mga tungkulin.
Una nang sinabi ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., na ang pagpasa ng resignation call ng matataas na opisyal ay bilang bahagi ng internal cleansing para patunayan na hindi tinatanggap ng kanilang ahensya ang ganitong uri ng katiwalian at bilang direktiba narin sa apela ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr.