Epektibo na ngayong araw ang P7.00 na minimum na pasahe sa mga jeepney sa Metro Manila at sa tatlong rehiyon.
Ito’y makaraang aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang inihaing voluntary fare reduction ng mga transport group bunsod ng patuloy na pagbaba ng presyo ng langis.
Batay sa ipinalabas na kautusan ng LTFRB, P7.00 ang dapat singilin ng mga jeepney drivers sa Metro Manila, Region 3, Region 4 – A o CALABARZON at Region 4 – B o MIMAROPA para sa unang apat na kilometro.
Limang piso at animnapung sentimos (P5.60) naman ang dapat isingil sa mga estudyante, may kapansanan at senior citizens o mga nakatatanda.
Gayunman, paglilinaw ni LTFRB Chairman Winston Ginez na mananatili sa P1.50 ang magiging karagdagang singil sa mga susunod na kilometro.
Wala na rin aniya silang ipalalabas na tarima o fare matrix dahil sa provisional naman aniya ang nasabing rollback sa pasahe.
“Yung tariff hindi na po kinakailangan dahil ito’y madali lang naman po, bawas P0.50 sa kanilang binabayaran dahil wala naman pagbabago doon sa mga succeeding kilometres.” Pahayag ni Ginez.
Cebu at Central Visayas
Samantala, makaaasa naman ng panibagong rollback sa presyo ng pamasahe sa jeepney ang mga residente ng Cebu.
Ito’y makaraang ipatupad ng Land Transporation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang P0.50 na provisional rollback sa pasahe sa jeepney Metro Manila, Gitnang Luzon at Southern Tagalog Region.
Ayon kay LTFRB Region 7 Director Reynaldo Elnar, malaki ang tsansang maaprubahan ang inihaing petisyon ni dating board member ngayo’y kongresista Manuel Iway na humihiling ng bawas piso sa minimum na pasahe sa jeepney sa Central Visayas.
Sa sandaling maaprubahan, sinabi ni Elnar na magiging P6.50 na ang pamasahe sa jeepney sa Central Visayas para sa unang limang kilometro.
By Jaymark Dagala