Tinanggal na ang sinasabing pitumpu’t limang bilyong pisong (P75 billion) isiningit na pondo ng DBM o Department of Budget and Management sa DPWH o Department of Public Works in Highways.
Ito ang ginawang pagtitiyak ni House Appropriations Committee Chairman Rolando Andaya matapos aprubahan na ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang bicameral conference committee report sa panukalang pambansang budget sa 2019.
Ayon kay Andaya, natukoy na rin nila kung sino at kailan isiningit ang nasabing pondo.
Tinanggal na po namin ng dalawang kapulungan itong 75 billion na siningit ng DBM ng alas kuwatro ng umaga, tinanggal na po namin lahat. Nararapat lang na ibigay ito sa ibang proyekto. Pahayag ni Andaya
Samantala, nilinis naman ni Andaya si DPWH Secretary Mark Villar sa usapin ng umano’y isiningit na pondo sa ahensiya.
Aniya, sinadya ng mga sangkot na opisyal at empleyado ng DPWH na hindi ipaalam sa kalihim ang nabanggit na budget insertion.
Inamin ng mga testigo na walang kaalam-alam si Sec. Villar at lower rank ang kasama rito. Mukhang sindya talaga na ipaalam sa kanya kaya panahon na para imbestigahan ni Sec. Villar ang pangyayari. Paliwanag ni Andaya
Discretionary fund para sa mga kongresista, tiniyak
Aminado si House Appropriations Committee chairman Rolando Andaya na makatatanggap ng discretionary fund o pork barrel ang bawat kongresista mula sa panukalang 2019 national budget.
Ayon kay andaya, kabuuang isang daan animnapung milyong piso (P160 million) ang nakalaan para sa bawat kongresista na kinuha mula sa tinapyas na pitumpu’t limang bilyong pisong (P75 billion) isiningit umanong pondo sa DPWH.
Paliwanag ni Andaya, hindi lamang kamara ang makakakuha ng discretionary fund kundi maging ang ilang senador.
Binigyang diin naman ni Andaya na kanilang isasapubliko ang detalye at pinaggamitan ng nasabing pondo na nakalaan sa kani-kaniyang programa at proyekto ng mga kongresista.
Meron alokasyon ang lahat ng distrito. Ipapakita sa publiko kung ano ang napuntahan ng proyekto. Utos iyan ng Speaker Arroyo para maliwanagan kung sino ang nakakuha ng malaki o maliit. Ani Andaya
Magugunitang si Senador Panfilo Lacson ang unang nagsiwalat kaugnay ng matatanggap na discretionary funds ng ilang mga senador at kongresista mula sa 2019 national budget.
Ayon kay Lacson nasa dalawampu’t tatlo (P23 billion) hanggang dalawampu’t limang bilyon (P25 billion) ang naisingit dito para sa ilang kapwa niya senador.
Nawala nga ‘yung 75 billion at merong pinuntahan iyon, napunta sa DOH, sa Universal Healthcare, lahat institusyon. Pero P60 billion, meron pang 23 or 35 billion na ininsert ng kapwa ko senador, items like flood control. Kinuwestyon ko iyon. Pork ito. Pahayag ni Lacson