Inihihirit ng isang grupo ng manggagawa na maitaas sa P750 ang minimum wage sa national capital region.
Sa inihaing petisyon ng Unity for Wage Increase (U-WIN) sa Regional Tripartite Wages Productivity Board (RTWPB), kanilang hiniling na madagdagan ng P213 ang arawang sahod ng mga obrero sa Metro Manila.
Ayon kay U-WIN spokesman Charlito Arevalo, sobrang baba ng kasalukuyang minimum wage rate na P537 sa P1,008 na kinakailangang pondo ng isang pamilyang may limang miyembro para makapamuhay kada araw.
Kung tutuusin aniya ay katumbas lamang ng 75% ng cost of living kada araw ang halaga ng kanilang hinihinging omento.
Iginiit pa ni Arevalo, hind man lamang natumbasan ng ipinatupad na P25 wage hike increase noong Nobyembre 2018 ang naitalang 5.5 inflation rate sa Metro Manila noong 2018.