Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order (EO) na nag-a-apruba sa Coconut Farmers And Industry Development Plan (CFIDP) para sa industriya ng pagniniyog sa bansa.
Nakapaloob sa EO 172 ang paglalabas ng 75 billion peso coco levy trust fund para sa mga coconut farmers.
Sa ilalim nito, dapat na maipatupad ang CFIDP ng Philippine Coconut Authority alinsunod sa Republic Act 11524 o ang Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act na isinabatas noong Pebrero 2021.
Layunin ng pag-apruba sa CFIDP na mapataas ang pagkalahatang productivity at kita ng mga magniniyog, maresolba ang kahirapan, ma-i-rehabilitate at i-modernize ang coconut industry.
Welcome naman para kay Agriculture Secretary William Dar ang paglagda ng pangulo sa nasabing kautusan.
Samantala, matapos isabatas, 10 billion pesos ang dapat na ibigay sa trust fund habang 10 billion din sa ikalawang taon; tig-15 billion sa ikatlo at ika-apat na taon habang 25 billion pesos sa ikalimang taon, kabilang ang interes.