Patuloy na naghahanap ng Pilipinong gustong maging caregiver ang bansang Israel ayon sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Tinatayang aabot sa P75k kada buwan ang sahod na inaalok ng naturang bansa sa 500 daang Pilipinong caregiver na hinahanap nito na nagsimula pa noong Nobyembre nang nakaraang taon.
Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), 5 taon ang kontratang alok para sa mga interesado sa trabaho at halos 90% na hinahanap ay mga babae.
Kailangan anila na highschool graduate na nakapasa sa TESDA caregiving course, 23 years old pataas, nasa 4’11 ang taas habang nasa 45kg naman dapat ang timbang.
Dagdag pa ng POEA, walang kailangang bayarang placement fee ngunit sagot ng empleyado ang airfare at ilang bayad para sa dokumentong kakailanganin nito.
Para sa mga interesadong aplikante mangyari lamang na magparehistro sa pamamagitan ng online services ng POEA sa kanilang websites.—sa panulat ni Agustina Nolasco