Nasa kamay na ng BSP o Bangko Sentral ng Pilipinas ang pitumpu’t syam (79) na milyong pisong cash at tseke na nakuha ng militar sa isang bahay na nagsilbing lagayan ng machine gun ng Maute Group sa Marawi City.
Ayon kay Lt. General Carlito Galvez, Commanding General ng WESMINCOM o Western Mindanao Command, nagtungo na sa kanilang tanggapan ang mga kinatawan ng BSP Cagayan de Oro at doon mismo binilang ang pera at kinuha ang serial numbers.
“They made a thorough assessment talagang binilang nila isa-isa at tinignan ang mga serial numbers.” Ani Galvez
Kinumpirma ni Galvez na mayroon nang nagke-claim na pag-aari nila ang pera.
Gayunman, wala pa anya itong linaw dahil sa pamamagitan lamang ng text at emisaryo ito nakikipag-ugnayan sa kanila.
“Merong nagsasabi na yung kanyang bahay ay kinubkob rin ng Maute so sa ngayon ay while we’re clearing Marawi minarapat namin na maibigay sa Central Bank ang pera, sa ngayon hindi pa nagpapakilala ang nagke-claim, pero sinabi namin na wala na sa amin ang proseso nasa Central Bank na.” Pahayag ni Galvez
Ayaw ring kumpirmahin ni Galvez kung ang natukoy nilang may-ari ng bahay kung saan nakuha ang pera ay siya rin ang nagsasabing pag-aari nila ang salapi at mga tseke.
Una nang sinabi ni Galvez na ang bahay ay pag-aari ng mag-asawang Rolly at Marriam Dimaucor na pareho nang sumakabilang buhay.
Batay anya sa paunang impormasyon, ang construction business ng mag-asawa ay pinatatakbo na ngayon ng kanilang mga anak.
“May mga indications rin na galing sa bangko at puwedeng mangyari na ang pera ay nakuha ng Maute, nasa engagement area pa kasi ang bahay kaya hindi pa puwedeng bumalik ang mga residente doon.”
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
P79-M cash at tseke na nakuha sa Marawi hawak na ng BSP was last modified: June 8th, 2017 by DWIZ 882