Pitumpu’t syam (79) na milyong pisong cash at tseke ang narekober ng militar sa isang bahay sa Marawi City.
Nagsasagawa ng clearing operations ang militar, malapit sa Mapandi Bridge sa Marawi matapos nila itong mabawi sa kamay ng Maute Group nang madiskubre ang perang inabandona ng mga bandido.
Mahigit sa limampu’t dalawang (52) milyong piso ang cash samantalang may kasama itong dalawampu’t pitong (27) milyong pisong halaga ng mga tseke.
Ang pera ay nakuha sa isang abandonadong bahay na nagsilbi ring lagayan ng mga machine gun na ginagamit ng Maute Group.
Ang pera at mga tseke ay hawak na ngayon ng Joint Task Force Marawi.
Matatandaang patuloy ang krisis sa Marawi matapos na maghasik ng kaguluhan ang Maute group sa syudad na nagsimula noong May 23 para protektahan umano ang itinuturing na lider ng ISIS sa Pilipinas na si Isnilon Hapilon.
Ang Marawi crisis rin ang nag-puwersa kay Pangulong Duterte na magdeklara ng Martial Law sa buong Mindanao.
Inilatag naman ng militar ang mga posibilidad kung sino ang nagmamay-ari ng pitumpu’t syam (79) na milyong pisong cash at mga tseke na narekober sa Marawi City.
Ayon kay Brig. General Restituto Padilla, Spokesman ng AFP o Armed Forces of the Philippines, posibleng kinita ito ng Maute Group mula sa pangangalakal ng illegal drugs, puwede rin anya na nagmula ito sa mga contributors ng Maute Group at posible ring mayroong legal na nagmamay-ari ng pera.
Sinabi ni Padilla na hindi malayong naiwan ito ng isang lehitimong negosyante, contractor o opisyal ng gobyerno dahil maraming proyekto ngayon sa syudad at sa mga karatig na mga bayan.
“Sinabi rin kasi sa amin na karamihan sa mga Maranao na mangangalakal ay hindi nila inilalagay sa bangko ang pera, iniipon kaya puwede ring mangyari yun.” Ani Padilla
Ayon kay Padilla, hindi nila inaasahan ang pagkakadiskubre ng milyon-milyong pera sa Marawi.
Gayunman, isang positibong bagay anya ito para sa mga sundalong nakikipaglaban sa Marawi dahil napatunayan nila na walang katotohanan ang mga alegasyon na mga militar mismo ang nagnanakaw at naninira sa mga kabahayan sa mga abandonadong bahay sa Marawi.
Religious war
Samantala, posibleng target ng Maute Group na mapasiklab ang isang religious war sa Mindanao.
Ayon kay Padilla, Spokesman ng AFP o Armed Forces of the Philippines, posibleng mismong ang Maute group ang nagpapakalat sa larawan ng pagsalakay at paninirang ginawa nila sa St. Mary’s Cathedral sa Marawi upang magalit ang mga Kristiyano sa Muslim.
“Ito po ay isang pag-atake ng mga bandido, mga rebelde, mga kriminal na ito sa St. Mary’s Cathedral, totoo po ang video, authentic, pero ang nagpalabas nito ay ang grupo rin na ito upang i-arouse ang isang religious war, balak nilang galitin ang lahat ng mga Kristiyano laban sa kanila.” Pahayag ni Padilla— By Len Aguirre / Karambola (Interview)
*Photo Credit: CNN PH