Inaprubahan na ng Senate Committee on Finance ang panukalang budget ng Office of the President (OOP) na 8.9 billion pesos maging ang panukalang budget ng Office of the Presidential Management Staff na 863.7 million pesos.
Sa budget hearing kahapon, dinepensahan din ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang confidential at intelligence funds na nakapaloob sa budget ng OP na anya’y ginaya lang ng ehekutibo sa nakaraang administrasyon.
Ito ang ikinatwiran ni Bersamin makaraang may kumuwestyon sa 4.5 billion pesos na panukalang confidential at intelligence funds ng tanggapan ng pangulo para sa taong 2023.
Kailangan din anya ng OP na maging flexible sa budget upang makatugon sa mga pangangailangan at requirement para sa international at domestic security.
Tugon ito ng palace official sa tanong ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kung bakit kailangan ng pangulo ng ganito kalaking confidential at intelligence funds gayong ang layunin ng marcos administration ay mga programa para ibangon ang ekonomiya.
Partikular na tinukoy ni Pimentel ang medium-term fiscal framework ng administrasyon hinggil sa mga programa para sa pagbangon ng bansa mula 2022 hanggang 2028.
Sa patakaran ng Commission on Audit (COA), ang Intel fund ay para sa pagkalap ng intelligence information na kailangan para sa national security habang ang confidential funds ay para sa surveillance activities sa civilian agencies upang suportahan ang kanilang mandato o operasyon. – sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)