Nais doblehin ng ilang transport groups ang P8 na minimum na pasahe sa jeepney.
Ayon kay Atty. Aileen Lizada, Board Member at Spokesperson ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB, dalawang beses nang hiniling ng transport groups na ipagpaliban ang pagdinig sa petisyon nilang taas pasahe.
Nais aniya ng grupo na amyendahan ang petisyon nilang itaas sa P10 ang minimum na pasahe at gawin itong P16 para sa unang apat na kilometro.
Maliban sa excise tax sa krudo, idinadahilan rin umano ng transport groups ang jeepney modernization program ng pamahalaan.
‘Fare hike petitions’
Sunod-sunod na pagdinig sa mga petisyong makapagtaas ng pasahe ang itinakda ng LTFRB Commission.
Kasado na sa Pebrero 13 ang pagdinig sa petisyon ng mga operators ng taxi samantalang sa araw ng mga puso ang hiwalay na petisyon ng Grab Philippines.
Limampung pisong (P50) flagdown rate ang petisyon ng mga operators ng taxi samantalang 5 porsyentong patong sa umiiral nilang pasahe ang nais ng Grab.
—-