Isinusulong ng Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines o ALU-TUCP ang 800 peso nationwide minimum wage ng mga manggagawa bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.
Ayon kay ALU-TUCP Spokesman Alan Tanjusay, kailangan nang itaas ang national minimum wage dahil nakaaalarma na ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin na sinabayan pa ng pagtaas ng inflation sa 4.5 percent.
Bumababa na rin anya ang “purchasing power” o tunay na halaga ng 512 pesos na kasalukuyang minimum wage sa National Capital Region.
Bukod sa pagtaas ng sahod, humiling din ang grupo ng limandaang pisong subsidiya sa lahat minimum wage earner.
Samantala, inatasan na ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang Regional Wage Boards sa buong bansa na magpulong at talakayin ang sitwasyon.
Gayunman aminado si Bello na hindi makakasapat o uubra ang cash subsidy para tugunan ang pangangailangan ng mga ordinaryong manggagawa na higit na apektado ng reporma sa buwis.
Dahil dito, tiniyak ni Bello na patuloy ang kanilang pag-aaral para matukoy pa ang ibang paraan kung paano matutulungan ang manggagawang Pinoy.
—-