Tiniyak ng Department of Finance (DOF) sa publiko na magiging transparent ang administrasyong Duterte sa paggasta ng pondo ng pamahalaan.
Ito’y sa kabila ng pagkuwesyon ng ilang mambabatas kung bakit lumobo sa siyam at kalahating trilyong piso ang halaga ng utang ng bansa na sobra-sobra umano sa pangangailangan.
Ayon kay Finance Asec. Tony Lambino, ang pinagsamang local at foreign debt ay inilaan para sa iba’t-ibang proyekto at programa ng pamahalaan kabilang na ang COVID-19 response.
Sa kabuuang halaga ng utang ng Pilipinas, binigyang diin ni Lambino na P400-B lamang dito ang gagamitin para sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Paliwanag pa ni Lambino, bilang isang developing country ang Pilipinas, normal lang na mas malaki ang nagagastos nito subalit makatitiyak naman na bumababa ang interest rate habang tumataas naman ang credit ratings na pakikinabangan naman ng taumbayan.
Sa kabuuang halaga ng utang ng Pilipinas, 6.2 trilyon dito ang mula sa domestic investors, P300-B naman ang mula sa short term credit sa Bangko Sentral ng Pilipinas habang ang 2.9 na trilyon ay mula sa foreign lenders.