Rerepasuhin at aamyendahan ng senado ang siyamnaraang milyong pisong (P900-M) budget ng Philippine National Police o PNP para sa Oplan Double Barrel o Oplan Tokhang.
Ayon kay Senate President Koko Pimentel, maaaring tanggalin nila ang nasabing pondo ng PNP matapos ibigay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang pamamahala sa ‘war on drugs’ ng pamahalaan.
Dagdag ni Pimentel, kanila ding rerepasuhin ang budget ng PDEA para malaman kung sapat pa din ito ngayong ang nasabing ahensya na ang magpapatupad ng mga operasyon kontra iligal na droga.
Samantala, sinabi naman ni Senate Majority Floor Leader Tito Sotto na kanyang irerekomenda na i-realign ang bahagi ng 900 million pesos na pondo ng Oplan Tokhang sa Philippine National Police – Internal Affairs Service o PNP – IAS.
Giit ni Sotto, kailangan ng IAS ng pondo para mapalakas ang kanilang proseso ng imbestigasyon sa mga abusado at tiwaling pulis.