Nakatakdang pangunahan bukas ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang misa ng huling hapunan sa Manila Cathedral bilang bahagi ng mga paggunita sa Semana Santa.
Kasunod nito, nakatakdang hugasan ng Kardinal ang paa ng mga magulang ni Joanna Demafelis, ang Overseas Pinoy worker na pinaslang at isinilid sa freezer ng kaniyang amo sa Kuwait kasabay ng seremoniya ng washing of the feet.
Kabilang din sa mga kakatawan bilang apostoles ni Hesus si Fr. Chito Suganob, ang paring binihag ng Maute-ISIS group sa Marawi City kasama ang daan-daang iba pa.
Bahagi ang washing of the feet ng misa bilang pag-alala sa ginawang paghuhugas ni Hesukristo sa paa ng kaniyang mga apostoles bilang pagpapakita ng kaniyang kababaang loob bilang tao sa kabila ng kaniyang pagiging Diyos.
Ayon sa Catholic Bishop’s Conference of the Philippines, nais itampok ng Manila Cathedral ang panawagan ni Pope Francis sa lahat ng mga diyosesis sa buong mundo na suportahan ang mga migrante at refugees.
Magugunitang nuong isang taon hinugasan ng Kardinal ang paa ng mga drug dependent bilang mensahe ng pag-asa para sa mga nagnanais magbagong buhay sa harap na rin ng mga nangyayaring patayan sa ilalim ng war on drugs.