Muling hinimok ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga botante na maging mapagbantay at idulog sa kanila ang mga ginagawang paglabag ng mga kandidato sa lokal na posisyon.
Kaugnay ito sa mga sumbong na nakararating sa poll body hinggil sa maagang pangangampaniya ng ilang kandidato sa lokal na posisyon kahit wala pa sa itinakdang araw.
Sa paglilibot ng DWIZ, nagkalat na ang ilang campaign paraphernalias ng mga lokal na kandidato sa ilang bayan sa Bulacan, Nueva Ecija at Aurora noong Huwebes Santo pa lamang.
Dahil dito, muling ipinalaala ni COMELEC Spokesman James Jimenez sa mga kandidato at mga tagasuporta nito na sundin ang umiiral na campaign rules.
Alinsunod sa umiiral na Omnibus Election Code, Sabado de Gloria itinakda ang unang araw ng pangangampaniya para sa mga lokal na kandidato.
Fiesta
Nagmistulang fiesta ang ikalawang araw ng campaign period sa local level kasabay ng pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay, kahapon.
Samu’t saring ingay gaya ng marching band at fireworks display ang sumalubong sa mga nagsimba ng Easter Sunday.
Ayon kay COMELEC Regional Director-National Capital Region Temie Lambino, hindi masyadong naramdaman ang unang araw ng campaign period sa lokal na lebel dahil pinagbawalan ang mga kandidato na mangampanya ng Mahal na Araw.
Inaasahan anya nilang lalong iingay ang kampanya simula ngayong araw lalo’t balik trabaho na at balik Metro Manila na rin ang karamihan sa mga nagbakasyon noong Semana Santa.
By Jaymark Dagala | Drew Nacino