Binalaan ng Commission on Elections o COMELEC ang mahigit sa 4 na milyong botante na hindi sila makakaboto sa 2016 kung wala silang biometrics.
Ang babala ay bahagi ng pinaigting na ‘no bio no boto’ campaign ng komisyon sa layuning maipatupad ng mahigpit ang ang Republic Act 10367 na isinabatas pa noong 2013.
Sa ilalim ng batas, inaatasan ang lahat ng mga rehistradong botante na makunan ng biometrics kung saan inilalagay sa database ng COMELEC ang picture, fingerprint at lagda ng bawat botante.
Bago makaboto ay kailangan ring i-validate muna ng botante ang kanilang biometrics.
Ayon kay Jimenez, ang mga mabibigong i-validate ang kanilang biometrics ay i-dedeactivate ng COMELEC at puwede lang mag-apply uli ng reactivation pagkatapos na ng 2016 elections.
Mayroon pang apat na buwan ang mga walang biometrics dahil ang registration period ay magtatapos pa sa October 31.
Sinabi ni Jimenez na handang tumanggap ng validation ang lahat ng tanggapan ng COMELEC sa buong bansa gayundin ang mga off site validation centers sa mga shopping malls at barangay halls mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon mula Linggo hanggang Biyernes.
By Len Aguirre