Mahigpit ang panuntunan ng COMELEC para sa mga kandidato na magsasagawa ng mga aktibidad sa pagsisimula ng kampanya ngayong araw, Pebrero a-otso, para sa mga national candidate.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni COMELEC Director Elaiza David na kailangan munang mag-apply ng authorization sa mga tanggapan ng komisyon ang mga kandidato bago makapangampanya, caravan, meeting de avance, rally, motorcade at iba pa.
Pinaalalahanan din ang mga lokal na opisyal na tiyaking nasusunod ang mga inilabas na guideline ng COMELEC para sa ligtas at maayos na pangangampanya at hindi maging superspreader event ang mga isasagawang aktibidad sa pangangampanya ng mga kandidato.
Naunang inilabas ng COMELEC ang mahigpit na mga panuntunan para sa pangangampanya ng mga kandidato gaya ng pagbabawal na makipag-selfie, makipagkamay sa mga botante, bawal pumasok sa mga bahay, bawal mamigay ng pagkain, bawal ang beso-beso o yakap at lahat ng physical contact para masigurong nasusunod ang minimum public health standard.—sa panulat ni Mara Valle