Hindi mawawala ang isda sa hapagkainan nating mga Pilipino dahil bukod sa masustansya, mas mura ito kumpara sa karne ng manok o baboy.
Pero alam mo bang mayroong isda na nagkakahalaga ng $500 o P28,000? Hindi pa buong isda yan ah, kundi roe o itlog lang.
Ito ang itlog ng mullet fish, o mas kilala bilang ‘banak’ sa Pilipinas.
Itinuturing ang roe ng mullet bilang ‘Rolls-Royce’ o most luxurious sa mundo ng mga isda.
Masarap, ngunit kumplikado ang paghahanda nito.
Una, maingat na hinihiwa ang tiyan ng isda upang tiyakin ang quality at freshness nito. Dito na tatanggalin ang kulay gintong itlog.
Lalagyan ng asin ang mga itlog at ilalagay sa isang wooden board. Pagpapatong-patungin ang mga ito, saka dadaganan ng malalaking bato.
Dahil sa gravity at high penetration ng asin, matatanggal ang natitirang tubig sa roe hanggang sa lumiit ito.
After a few hours, lilinisan ang itlog at ilalagay ulit sa isang wooden board para matuyo. Isa-isa itong iche-check at kung may butas o anumang sira, tatapalan ito ng bituka ng manok.
Matapos ang isang linggong pagkakaimbak, tuluyan nang matutuyo ang mullet roe at maaari nang kainin.
Mayroon itong light salty flavor at sweetness ng fresh fish. Chewy rin ito at elastic sa bibig, kaya masasabing swak ito sa panlasa.
Ikaw, susubukan mo bang kumain ng mullet roe?