Handa na ang Pilipinas sa paggamit ng artificial intelligence (AI).
Ito ang binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa pakikipagpulong niya sa technology investors sa sidelines ng ginanap na 30th Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa San Francisco, California kamakailan.
Maaaring pataasin ng AI ang productivity ng mga negosyo at pahusayin ang competitiveness ng ekonomiya ayon kay Pangulong Marcos.
Naniniwala rin si Cisco Philippines managing director Zaza Soriano-Nicart na napalalakas ng paggamit ng AI ang economic potential ng mga kumpanya. Sa pag-aaral ng Cisco, isa sa pinakamalaking technology companies sa buong mundo, 98% ng mga kumpanya sa Pilipinas ang gustong i-utilize ang AI technology para mapataas ang efficiency ng kanilang trabaho.
Sa ulat ng PwC, isang accounting and auditing firm, naipakitang posibleng makaambag ng $15.7 trillion ang AI sa pandaigdigang ekonomiya sa 2030. Maaari ring mapataas ng AI technology ang gross domestic product (GDP) ng Southeast Asia ng $1 trillion ayon naman sa report ng EDBI and Kearney.
Hindi na bago sa Pilipinas ang pagyakap sa teknolohiyang ito. Sa katunayan, noong May 5, 2021, inilunsad ng Department of Trade and Industry (DTI) ang National Artificial Intelligence Roadmap. Hangad nitong gawin ang bansa bilang regional hub for AI-based solutions and data analytics.
Sa ilalim ng National AI Roadmap, pabibilisin ang pag-adapt sa AI technology. Layon din nitong gamitin ang AI technology sa iba’t ibang sektor, gaya ng education, banking and finance, retail and e-commerce, agribusiness, healthcare, logistics and transportation, at iba pa.
Naniniwala si Pangulong Marcos na maaaring maiangat ng AI technology ang buhay ng mga Pilipino. Dahil dito, nananawagan siya sa financial technology companies at startups na maging katuwang ng bansa patungo sa pag-usbong sa digital transformation ng Pilipinas.