Lahat tayo, nakaranas nang magreklamo sa napakabagal na internet sa Pilipinas. Ito ang nais solusyunan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaya naman target niyang bumuo ng partnership sa US technology giant na Starlink upang mapahusay ang internet connectivity sa bansa.
Tumutukoy ang Starlink sa satellite internet constellation mula sa American aerospace company ni Elon Musk na SpaceX. Ito ang pinakauna at pinakamalaking satellite constellation na nakapagbibigay ng high-speed at low-latency internet sa higit 60 na bansa.
Itinuturing ang Starlink bilang world’s most advanced broadband satellite internet. Sa kanyang huling working visit sa Amerika, personal na pumunta si Pangulong Marcos sa SpaceX facility sa Hawthorne, California.
Pinag-usapan dito ang posibleng kolaborasyon ng bansa at ng giant tech company. Para kay Pangulong Marcos, ideal candidate para sa naturang satellite broadband service ang Pilipinas dahil sa vast archipelago nito. Dahil dito, kumpiyansa siyang darating ang panahon na wala na tayong maririnig na nagrereklamo tungkol sa internet sa bansa. Aniya, naaayon ang Starlink sa target niyang pagkakaroon ng reliable internet speed para sa Pilipinas.
Karamihan sa internet satellites ay mula sa isang geostationary satellite na umiikot sa planeta. Dahil halos 36,000 km ang layo nito, mas mataas ang latency o mas matagal ang round trip data time nito mula sa user at sa satellite. Tumutukoy ang latency sa oras na aabutin para maipadala ang data set mula sa iyong device papunta sa server, at pabalik sa device.
Kung mataas ang latency, mas mahirap maka-access sa internet, lalo na sa activities na kinakailangan ng maraming data gaya ng video streaming, online gaming, at video calling.
Imbes na iisang satellite, libu-libo naman ang ginagamit ng Starlink. Umiikot din ito nang mas malapit sa planeta at 550 km. Dahil nasa mababang orbit ang satellites ng Starlink, mas mababa ang latency nito nang 25 milliseconds. In short, mas mabilis ang internet dito. At kung opisyal na matuloy ang kasunduan ng Pilipinas at Starlink, tiyak na mapabibilis na ang internet connection na siyang hangad ni Pangulong Marcos para sa bansa.