Bago man ang kanyang approach, matagumpay na naipatutupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang anti-illegal drug campaign ng administrasyon. Ito ay base sa inilabas na annual accomplishment reports ng mga kaukulang ahensya ng pamahalaan.
Sa pamamagitan ng pinagsama-samang pagsisikap ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Dangerous Drugs Board (DDB), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Philippine National Police (PNP), 27,000 barangays na ang idineklarang drug-cleared.
Kapag itinuring na drug-affected ang isang barangay, sasailalim ito sa Barangay Drug Clearing Program (BDCP) ng DDB. Ang Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing ang magdedeklara kung malinis na ang barangay mula sa ilegal na droga. Iba ito sa drug-free na tumutukoy naman sa mga lugar na walang reports ng drug activity mula noon.
Patuloy ang DDB sa pagpapatupad ng clearing program upang makamit ang target nitong 100% drug-cleared barangays sa pagsapit ng 2028.
Samantala, humigit-kumulang P10.41 billion worth of illegal drugs ang nasamsam ng pamahalaan noong 2023. Bukod sa pagkumpiska ng napakaraming ilegal na droga, higit sa 56,000 ang naaresto mula sa 44,000 anti-illegal drug operations ng administrasyon ayon sa PNP.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) noong July 24, 2023 na nakatuon ang kampanya niya kontra ilegal na droga sa community-based treatment, rehabilitation, at education.
Alinsunod dito, naitalang as of December 27, 2023, mayroong 23 provinces, 447 municipalities, at 43 cities sa bansa na nagtatag ng kanilang sariling community-based drug rehabilitation programs (CBDRPs).
Mayroon namang functional Anti-Drug Abuse Councils (ADACs) na nagpapatupad ng anti-drug programs sa local level ang 50 provinces, 1,160 municipalities, at 30 cities. Dagdag pa rito, 74 na in-patient treatment and rehabilitation facilities ang naipatayo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Para kay House Committee on Dangerous Drugs Chairman Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers, “very fruitful” ang anti-illegal drug campaign ng administrasyong Marcos. Sa patuloy na prevention, treatment, rehabilitation, at law enforcement, hindi imposibleng matuldukan ang isyu ng ilegal na droga sa Pilipinas nang walang dadanak na dugo.