Sa inauguration ng Poblacion Water Treatment Plant (WTP) ng Maynilad nitong December 15, 2023, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dapat gamitin ang mga aral sa nangyaring COVID-19 pandemic upang paghandaan ang El Niño pagdating sa supply ng pagkain.
Tiniyak ni Pangulong Marcos na may sapat na buffer stock ng pagkain ang bansa hanggang sa dulo ng unang quarter ng 2024. Aniya, mapapanatili ang pagkakaroon ng sapat na supply ng pagkain at iba pang produktong pang-agrikultura kung mayroong sapat na supply ng tubig.
Sa kasalukuyan, layunin ng pamahalaan at ng iba pang sektor na paghandaan ang pagpapataas ng water capacity sakaling umabot ang El Niño hanggang sa ikalawang quarter ng susunod na taon. Sa ganitong paraan, mabibigyan din ng sapat na supply ng tubig ang industrial at healthcare sectors, bukod sa sektor ng agrikultura.
Optimistic naman ang Pangulo na sa pamamagitan ng water projects sa tulong ng mga pribadong sektor, kaya ng bansang malagpasan ang epekto ng tagtuyot. Aniya, may ipapatayo ring isang water facility sa Mandaluyong at tatlo sa Cavite.
Bukod sa water projects, mayroon ding mga sektor sa water security at food security base sa updated National Action Plan for El Niño na nakatutok sa pagpapanatili ng sapat na supply ng tubig at pagkain sa bansa.
Dagdag pa rito, inatasan ng Pangulo ang Department of Agriculture (DA) na paigtingin ang production support sa mga lugar na hindi masyadong maaapektuhan ng El Niño. Para stable pa rin ang produksyon ng pagkain sa bansa, sa kanila ita-target ang suporta dahil hindi naman sila lubhang maaapektuhan ng tagtuyot. Ayon nga kay National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Rosemarie Edillon, kahit magkaroon ng El Niño, masisiguro nitong may pagkain pa rin tayo.
Sabi nga ni Pangulong Marcos, hindi sa nananakot, pero seryosong problema ito. Kaya panawagan niya, dapat makipagtulungan ang bawat pilipino sa pamahalaan upang paghandaan ang El Niño phenomenon.