Bilibid.
Kilala ito bilang isa sa mga kinakatakutang lugar dahil dito dinadala ang mga umano’y “notoryus” na kriminal.
Dito madalas ang karahasan o kaya naman ay rayot.
Lumalabas na nagsilbi ring sentro ng kalakaran ng iligal na droga sa bansa ang pambansang kulungang, New Bilibid Prison (NBP).
Taong 2014, tatlong magkakasunod na raid ang isinagawa sa Bilibid sa pangunguna ng noo’y Justice Secretary at ngayo’y Senador Leila De Lima, kung saan tumambad ang mga kontrabando katulad ng shabu, at magagarbong kubol ng high profile inmates.
Sinundan ito ng kabi-kabilang batikos dahil sa mga lumabas na balita na umano’y koneksyon ng senadora sa illegal drug trade sa NBP.
Matapos ang naturang insidente, kaagad na itinalaga na magbantay ang Special Action Force (SAF) sa Bilibid para masawata ang iligal na droga.
Ngunit kamakailan lamang ay nabunyag na muling nabuhay ang kalakaran ng iligal na droga sa loob at ngayo’y isinasangkot naman ang SAF.
Malalaking balita na sumindak sa publiko at patuloy paring gumigimbal hindi lamang sa local media kundi pati na rin sa international media.
Naitanong mo na ba sa’yong sarili kung may magandang balita naman kayang magmumula sa Bilibid?
Marahil ay hindi pa sapagkat maaaring ito ay palaging natatabunan ng mga negatibong balita.
Hayaang dalhin kayo ng DWIZ Social Media Team sa isa pang mukha ng Bilibid – ang PERPETUAL BILIBID EXTENSION SCHOOL, ang natatanging PAARALAN SA PIITAN na matatagpuan sa loob ng Medium Security Compound.
Kuwento ng PAG-ASA na mag-iiba ng iyong pagtingin hindi lang sa Bilibid kundi pati na rin sa mga bilanggo.
Dito nakilala namin sina alyas Mang Henry at alyas Benny.
Si Mang Henry ay dating isang kidnap-gang leader at napabilang pa sa most wanted na may patong pa sa ulo, labinlimang taon na ang nakararaan.
Habang si Benny naman ay nakulong dahil sa kasong pangagahasa ng kanyang kapwa estudyante at nakatakda nang maparolan matapos ang labing-apat na taon.
Kung tutuusin ay parehong habang buhay na pagkaka-bilanggo na ang kanilang sentensya pero sa pamamagitan ng PAARALAN SA PIITAN, nabigyan sila ng PANGALAWANG PAGKAKATAON at PANIBAGONG BUHAY.
‘NAG-AARAL AKO SA LOOB PIITAN’
Sa naging panayam ng DWIZ Social Media team kay Mang Henry, inamin nitong nahirapan siyang tanggapin ang nangyari lalo pa’t ang mga kaanak niya ang unang humusga sa pagkatao niya.
Gayunman naniniwala aniya siya na sa bawat masamang pangyayari sa buhay ng isang tao ay may kaakibat itong panibagong pag-asa.
Sa pamamagitan ng extension school ng University of Perpetual Help DALTA sa loob ng Bilibid, nabigyan muli ang animnapu’t dalawang taong gulang na si Mang Henry na ipagpatuloy ang kanyang naudlot na pag-aaral.
“Tumatak sa isip ko na kapag may pagkakataon pa, hindi ko na gagawin yung ginawa kong pag-iwan sa passion ko na mag-aral, ‘yan ang inspiration ko.”
Hirap man, dahil sa malabo na ang mga mata at kulang sa pagkain, tinitiis niya ito dahil sa pangarap na mas magandang kinabukasan sa labas ng rehas.
“Kasama yan [paghihirap] sa investment ng pag-aaral, pero sanay ako sa hirap, isa yun sa advantage ko sa mga kasama kong nakakulong.”
Abot-langit ang kanyang pasasalamat sa University of Perpetual Help dahil hindi lamang edukasyon ang ipinagkaloob nito sa kanya kundi ang pagkakataong muling maibangon ang sarili at maibalik ang kanyang naglahong dignidad.
MULING PAGBANGON ang ibig sabihin ng EDUKASYON kay Mang Henry kaya’t napakahalaga umano nito sa kanya.
“Without educational attainment, gustuhin mo man na magkatrabaho, mayroon kang makikitang job vacancies pero lagi kang turned down, kung meron man, lagi doon sa pinakamababa.”
Kung papansinin lamang aniya natin ang bilang ng mga preso ay mapapa-isip tayo kung bakit ganoon na lamang ang pagdami nila.
Ani Mang Henry…
“Ang dahilan na nakikita natin dito ay IGNORANCE dahil sa kawalan ng EDUKASYON.”
“Kung ang tao lang natuto, nagkaroon ng karunungan, hindi siya hahantong sa madaling pagka-perahan, hindi siya hahantong sa krimen.”
Hindi rin natatapos sa karunungan ang tulong na ipinagkakaloob ng paaralan dahil sa pamamagitan rin nito ay nababawasan umano ang kanilang sentensya.
“Kapag nasa educational program ang isang preso magkakaroon ng additional 15 days na bawas sa sintensya aside pa doon sa regular 23 days, all in all 38 days ang nababawas sa sintensya namin kada buwan.”
Determinado ring sinabi ni Mang Henry na kung kinaya ng iba ay kakayanin niya rin…
‘’Nakita ko kung paano nalalaglag yung iba, may mga kasama kami 1st year kami 80 plus tapos naging 60 na lang, na kitang-kita mo, ano bang nangyari bakit nalaglag sila?”
“Nakita ko rin kung paano nagtagumpay ang iilan na nag-graduate, saan ko ba ilalagay ang sarili ko?”
Hangad rin ni Mang Henry na mahikayat ang iba pang preso na kunin ang ganitong oportunidad:
“Sana makita din ng ibang preso ang kahalagahan ng programang ito, marami kasi sa kanila ay nauubos ang oras, nauubos ang panahon.”
Sakaling makalabas na ng kulungan si Mang Henry, sinabi niyang ang una niyang gagawin ay makapiling ang kanyang pamilya at bawiin ang mga nawalang panahon para makasama sila.
Nais din ni Mang Henry na makahanap ng trabaho kapag nakalaya na siya.
Nang tanungin kung paano niya ilalarawan ang isang Mang Henry ngayon…
“BAGO. NABAGO, lahat ng aspeto, lahat ng pananaw.”
“Noon hindi naman ganito ang pananaw ko, akala ko wala na lahat, yun pala nare-redeem din yun.”
Ang hiling ni Mang Henry sa publiko:
“Huwag sanang husgahan ang mga nandito sa loob.”
“Una, maraming nasa loob talagang inosente, mayroon ding may kasalanan pero pinipilit magbago, pinahahalagahan nila yung SECOND CHANCE.”
Sa ngayon ay nasa ikalawang taon na sa kolehiyo si Mang Henry.
‘GRADUATE AKO SA LOOB NG PIITAN’
EDUKASYON din ang muling nagbalik sa nawalang pangarap, respeto at dignidad ni Benny.
Salaysay niya, una niyang nakalaban ang sarili sa pagpasok sa Bilibid ngunit sa pagdaan ng panahon ay natutunan niyang yakapin ang mga salitang PAGTANGGAP at PAGPAPATAWAD: Pagtanggap na siya’y nakakulong na at Pagpapatawad sa mga taong nakasakit sa kanya.
“Ito [paaralan sa loob ng piitan] yung naging tool ko para kahit papaano ma-restore yung dignidad na meron ako na nawala tapos yung respeto, hindi lang naman ang ibang tao ang nawalan ng respeto sa’kin kundi ang sarili ko mismo, nung nag-aral ako unti-unting bumabalik yun.”
Aniya, dahil sa tulong ng paaralan ay naging mas madali ang pagtanggap niya sa kanyang sitwasyon at naging panatag at matiwasay ang pananatili niya sa loob ng kulungan.
“Sa totoo lang, ang pagkakakulong namin dito hindi more on physical, sa emotion ang talagang pinahirapan kami.”
“Tama nga kasi yung slogan nila na “CHARACTER BUILDING IS NATION BUILDING”, so, parang isang mission kami dito na ma-mold yung character namin, paunti-unti, yung mga dating ginagawa na hindi maganda nagbabago na siya, nagiging mas maganda yung tingin namin sa kinabukasan.”
Sa edad na 18 taong gulang nakulong si Benny, panahon na ang isang bata ay nagsisimula pa lamang mangarap at abutin ang mga ito.
Para kay Benny napaka-importante sa mga kabataan ang gabay ng magulang.
“Yung guidance, masyadong kritikal ‘yan sa mga teenager talaga eh.”
“Hindi ko naman sinisisi ang parents ko kung bakit ako nagkaganito pero tinitignan ko kung meron akong magulang na gumabay sa akin noong kabataan ko kahit papaano may magsasabi sa akin kung anong tama at mali.”
Ang mensahe ni Benny sa mga kabataan, dapat patuloy na bigyang halaga ang edukasyon, pamilya at mga pangarap.
“Mahalin niyo ang sarili niyo, huwag silang makuntento sa buhay na mahirap, mangarap sila kasi kung may pangarap pipilitin mong maabot yun, na makaahon sa hirap, mapalapit sa Diyos, i-value ang pamilya at sana …huwag nilang bibitawan ang pangarap nila.”
Inamin ni Benny na nagkamali siya noon at sa pagkakadapang iyon ay pinili niyang muling bumangon at ituloy ang naudlot na mga pangarap.
“Ang importante sa akin ay yung ngayon, nagbago na ako, at hindi ako mahihiyang sabihin na nakulong ako pero doon ako natuto sa loob.”
“Para sa akin dito pa lang nagsisimula, dito kasi sa paaralan sa loob itinuturing namin itong training ground, ang totoong laban wala dito, nasa labas.”
Ibinahagi ni Benny na sakaling dumating na ang oras ng kanyang paglaya, babawi aniya siya sa nawalang panahon sa kanyang sarili at mga mahal sa buhay.
“Unang-unang babawi ako sa mga nawalang araw sa akin, maghahanap rin ako ng trabaho, napaka-optimistic naman ng pagtingin ko sa hinaharap.”
Tiwala rin siya na marami pa rin sa labas ang tatanggap sa mga kagaya niyang preso.
Gayunman, payo niya ay unahin munang mahalin, ipagmalaki at bigyan ng halaga ang sarili dahil doon aniya magsisimula ang pagtanggap saiyo ng ibang tao.
Ayon kay Benny, mas higit na kailangan ng mga preso ang PAGMAMAHAL kaysa sa pagkain o kaya ay materyal na bagay.
“Karamihan sa amin ay kulang sa pagmamahal, ng pamilya, kaibigan, o minamahal na personal kaya nagbisyo, yung iba hindi naisip yung pagmamahal sa iba kaya nakapatay o nakapagnakaw.”
Kasabay nito, pinayuhan rin ni Benny ang mga kapwa preso:
“Sana huwag niyong limitahan ang sarili niyo na hanggang dito na lang ako, lumabas kayo sa kahon niyo para makita niyo ang oportunidad.”
“Sana makita nila yung value ng pag-aaral pagdating ng panahon.”
Para kay Benny hindi niya sasayangin ang pagkakataon na ibalik at ibahagi sa iba ang pag-asang ibinigay sa kanya ng edukasyon.
“Salamat talaga dahil ako’y nakapagtapos.”
“Sa bawat araw wala akong ibang gagawin kundi magpasalamat, ibalik ang kabutihang ibinigay sa akin ng Perpetual at ng Bureau [of Corrections], sa awa ng Diyos nabibigyan ako ng chance in a way na makatulong ako sa mga guro at mga kapwa ko bilanggo.”
Taong 2011 nang matapos ni Benny ang apat na taong kurso sa Bilibid Extension School at kasalukuyan nang nagtuturo sa nasabing paaralan.
Ilang taon na lang ang gugugulin ni Benny sa kulungan at tuluyan na rin siyang makakalaya.
‘TEACHER AKO SA LOOB NG PIITAN’
Pinatunayan ng volunteer teacher na si Catherine De Monterverde o mas kilala bilang Ma’am Cathy na walang makahahadlang sa kanyang propesyon, ang PAGTUTURO, kahit rehas man.
Sa pagsabak niya sa pagtuturo sa loob ng Bilibid, sa ilalim ng Perpetual Bilibid Extension Program, nakita niya kung gaano ka-uhaw sa EDUKASYON ang mga kababayan nating nakakulong.
Ani Ma’am Cathy, hindi siya nagdalawang isip na tanggapin ang alok na pagtuturo sa loob ng Bilibid ngunit, inamin niyang tinamaan rin siya ng takot noong una.
Kwento niya…
“Tinatanong ko doon sa kasama ko [na pulis], sabi ko, SINO YUNG MGA PRESO DITO?”
“Tapos sabi nila, MA’AM, YAN PONG NAKAKASALUBONG NYO, PRESO NA ‘YAN.”
“Ang nasabi ko na lang, AHH…PRESO NA PALA ‘YAN [sabay tawa].”
Hindi naman aniya nagtagal, nawala ang kanyang takot dahil ibang-iba ang imahe ng kulungan sa napapanood sa telebisyon kumpara sa totoong buhay.
Binigyan diin ni Ma’am Cathy na may mahalagang papel ang edukasyon sa mga nakakulong.
Hindi man aniya agad-agad, pero nakakatulong ito para maibalik ang mga nawalang tamang pag-uugali ng mga peso para sa mga sarili nila, sa pamilya nila, sa ibang tao at sa Diyos.
Sa paraang ito, nabibigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga presong gustong bumalik muli sa tamang landas.
Masisipag aniya ang mga estudyante niya sa loob at makikita rin na desidido ang mga ito na matuto.
Base na rin umano sa mga guro na naiimbitahan nilang magturo sa loob…
“Mas gusto nila yung pakiramdam ng nagtuturo dito [sa Bilibid].”
“Hindi nila ini-expect na yung mga estudyante dito is… magagaling, may respeto, masisipag.”
“So, parang ibang-iba talaga, ibang-iba talaga sa mga iniisip natin sa labas.”
Ipinabatid ni Ma’am Cathy na nahihirapan lamang aniya silang mga guro sa mga resources dahil limitado lamang ang mga ito katulad ng mga pagsasaliksik gamit ang internet.
Ngunit sa kabila naman aniya ng kakulangang ito, nakukuha parin naman ng mga estudyante niya na makahanap ng diskarte.
Ani Ma’am Cathy, hindi preso ang kanilang turing sa mga tinuturuan nila kundi mga normal na estudyante, na ang hangad ay matuto para sa panibagong buhay na kahaharapin sa labas.
Ilang beses na rin siyang nagtangkang lumipat sa pampublikong paaralan dahil tinututulan ng kanyang pamilya ang kanyang ginagawa ngunit wika niya…
“IBA KASI ‘PAG NILAGAY MO YUNG PUSO MO SA TRABAHO.”
Kusa ang kanilang ginagawang kawang-gawa kaya’t wala man silang natatanggap na sahod sa tinuturuang programa, hindi aniya mapapantayan ng kahit anuman ang binibigay na taba sa kanilang mga puso.
Ito ay dahil sa ipinapakitang 100% determinasyon ng kanilang mga estudyante na magbagong buhay.
PANUKALANG ANTI-DISCRIMINATION ACT FOR EX-CONVICT
Nanawagan si Ma’am Cathy na sana ay magkaroon ng panukalang ANTI-DISCRIMINATION ACT FOR EX-CONVICT.
Ayon kay Ma’am Cathy, totoo na hindi madaling patawarin ang isang taong nakagawa ng krimen kaya’t hindi rin natin masisisi ang mga taong nanghu-husga sa mga preso, lalo na’t kung ikaw ang naging biktima nito.
Ngunit, aniya…
“Yung [mga] preso na nasa loob is nag-serve na sila ng sintensya nila eh. Natapos na nila, nagbayad na sila ng kasalanan nila.”
“Nagbayad na sila ng kasalanan nila sa lipunan. So, dito sa pagkakakulong nila, siguro naman mas nakilala nila yung Diyos, so, malamang nagbayad na rin sila ng kasalanan sa Diyos.”
Layon ng kanilang panawagan na mabigyan muli ng pagkakataon ang mga makalalayang preso na ipagpatuloy ang kanilang magandang buhay na kanilang binuno sa loob ng kulungan.
“Dapat nga meron tayong batas na Anti-Discrimination Act sa kanila para continuous parin yung life nila kasi anong gagawin nila ‘pag nakalaya sila? Gagawa na naman sila ng hindi mabuti… kasi nga ayaw silang tanggapin eh”
Ultimong hindi sila madalaw sa kulungan ng kani-kanilang pamilya ay isa nang malaking sakripisyo lalo na kapag kaarawan nito, Pasko o Bagong Taon.
Dagdag pa niya…
“Buti nga sila [mga preso] napagdusahan [na nila yung krimen na ginawa nila], marami pa nga sa labas na alam naman natin [hindi pa nahuhuli at patuloy sa ginagawa nilang krimen].”
Giit pa niya…
“’Yun ‘yung pinapanawagan namin talaga sa government, doon sa mga senators, sa mga congressman, na dapat talaga maglagay sila ng bill na anti-discrimination sa mga ex-convict na hayaan silang mabigyan ng PAG-ASA, na mabigyan ng bagong buhay.”
SAY ng DOJ (BuCor)
SAY ng DOST
SAY ng TESDA
SAY ng SENADO
ANG KASAYSAYAN NG PERPETUAL BILIBID EXTENSION SCHOOL
Photo Credit: Dennis Abrina
MGA KURSO
SCHOOL SUPPLIES PARA SA ‘PAARALAN SA PIITAN’
Writers’ Note:
Patunay sina Mang Henry at Benny na bagamat nakakulong ay MALAYANG mangarap ng isang mas magandang kinabukasan, MALAYANG muling bumangon at magbago, MALAYANG magbigay ng tulong, magpatawad at magmahal.
Minsan na kaming naging biktima ng kaisipan na wala nang pag-asa ang mga preso ngunit ipinakita sa amin nina Mang Henry at Benny ang kanilang pagpupursige na magbagong buhay.
Naramdaman naming mahirap din ang kanilang pinagdaanan para baguhin at ibalik sa magandang ayos ang kani-kanilang mga buhay.
Si Mang Henry—minulat niya kami sa kabutihang idinulot ng paghihigpit ng aming mga magulang at pagpapahalaga sa pamilya.
Pamilyang bubuo at huhubog sa’yo na maging mabuting tao.
Pinukaw kami ng mga salita ni Benny na dapat naming ipagpatuloy ang mga nasimulang pag-abot sa pangarap.
Kumurot din sa aming puso ang sakripisyong ginagawa ni Ma’am Cathy—pagpapakita na kung mahal mo ang iyong ginagawa ay wala kang hihinging anumang kapalit.
Hindi lamang edukasyon ang kailangan para umasenso ang lipunan, kundi ang pagtutulungan ng bawat isa.
Tulungan mo rin ang iyong sarili.
Nagpapasalamat kami kina Mang Henry, Benny at Ma’am Cathy dahil sa magandang aral na mapupulot ng bawat magbabasa at makakapakinig ng #PaaralanSaPiitan.
Nawa’y magsilbi silang inspirasyon at paalala sa lahat na laging… hindi pa huli ang lahat.
Saludo po kami sa inyo!
Written By: Aiza Rendon and Race Perez
Contributor: Ira Cruz
Edited By: Jun del Rosario
—-