Nakahanda na ang mga pansamantalang pabahay para sa mga bakwit o mga residenteng lumikas dahil sa giyera sa Marawi City.
Galing Korea ang ginamit na teknolohiya sa bahay na nagkakahalaga ng 160,000 Pesos na nasa 22 square meters ang laki, may sariling banyo at hindi rin mainit ang loob dahil insulated ang hard pressed Styrofoam.
Ayon kay Marcelino Escalada Jr., General Manager ng NHA o National Housing Authority minamadali na rin nila ang paggawa ng temporary housing sa anim na relocation sites sa Marawi at asahan na maaari na itong lipatan ng mahigit 1000 pamilya bago mag Pasko.
Para sa mga bakwit naman na nais balikan ang kanilang nasirang bahay ay maaari silang makakuha ng housing assistance na nagkakahalaga ng 210,000 Pesos hanggang 240,000 Pesos.
Bukas din ang PAGIBIG para sa mga miyembrong taga Marawi na gustong mag-loan ngunit paglilinaw ng PAGIBIG na hindi lahat ay maaaring umutang dahil ito ay pribadong pondo na miyembro lang ang pinapayagang makinabang.
Aabutin naman ng hanggang dalawang taon bago makalipat ang 2040 pamilyang gustong makakuha ng permanenteng pabahay dahil aniya kongkreto ito at pinatitibay pa ang istraktura.