Iminungkahi ni Pangulong Rodrigo Duterte na maglaan ng pabahay para sa mga biktima ng magnitude 6.7 na lindol sa Surigao del Norte.
Sinabi ng Pangulo na bukod sa ipinangakong livelihood projects, mainam na bigyan ng matitirhan ang mga taga-Surigao na nawalan ng bahay dahil sa malakas na lindol.
Tinatayang nasa P601.8 milyon ang pinsala ng lindol sa mga imprastraktura at mangangailangan ng rehabilitation fund na aabot sa P69.8 milyon, kabilang na rito ang pagkumpuni ng mga pangunahing kalsada, tulay, irrigation canals, at water system.
Samantala, umaabot sa mahigit 1,400 kabahayan sa Surigao City ang napinsala sa pagtama ng magnitude 6.7 sa lalawigan noong Biyernes.
Ayon kay Annette Villaces ng Surigao City Government Public Information Office, kabuuang 1,264 na kabahayan ang partially damage at 167 naman ang totally damaged.
Ipinabatid ni Villaces na aabot sa 62 pamilya ang nanunuluyan ngayon sa mga evacuation center.
Nananatili naman sa walo (8) ang kumpirmadong bilang ng nasawi, habang 143 ang nasugatan sa nasabing lindol.
By Meann Tanbio | Report from Aileen Taliping (Patrol 23)