Batay sa datos na inilabas ng National Capital Regional Office (NCRPO) ng Philippine National Police (PNP), bumaba na raw ang bilang ng mga naitatalang kaso ng carjacking o yaong puwersahang pagnanakaw ng sasakyan nitong unang tatlong buwan ng taong 2015.
Naku, kung itong datos ang gawin nating batayan, nangangahulugan lamang nito na natigil na ang pamamayagpag ng mga kriminal lalong-lalo na ang carjacking syndicate na matagal ng naging salot sa bansa.
Kung aking maalala ang naging malungkot na karanasan ng pamilya Evangelista, nang mapaslang ang kaanak nilang si Venson Evangelista matapos itong at tangayin ang isang mamahaling sasakayan.
Kalunos-lunos ang sinapit ng batang Evangelista dahil ito ay binaril at sinunog pa ng sinasabing miyembro ng isang carjacking syndicate.
Kaya naman, patuloy ang panawagan ng pamilya Evangelista na mas paigtingin at pabigatin pa ang parusang igagawad sa mga mapatutunayang sangkot sa carjacking.
Kaya naman, sa Senado, tila hindi kuntento ang mga Senador sa datos na ipinalalandakan ng PNP, na kesyo bumaba na ang kaso ng mga pagananakaw ng mga sasakyan, kaya may panukalang iminungkahi itong si Senadora Grace Poe.
Ito ang Senate Bill 2756, o ang hangaring i-repeal ang kasalukuyang Republic Act 6539 o ang Anti-Car Theft Law of 1972.
Layunin ng pag-repeal ay upang bigyan pa ng ngipin ang batas para maging deterrent laban sa mga sindikato at para na ring proteksiyunan ang mga motorista.
Mantakin niyo ba naman, noong 2009 hanggang 2013, nasa higit kumulang siyam na libong sasakyan ang ninanakaw kada taon.
Kaya dapat, hindi na bine-baby ang mga kriminal na ito, bagkus ay dapat huwag payagang makapag-piyansa lalo na kung malakas ang ebidensiya.
Maganda ang ipapanday na batas laban sa mga kriminal, yun nga lang, kung ito ay walang kaakibat na law enforcement o sa tulong ng kapulisan, hindi rin magiging epektibo ang kampaniya laban sa mga ito.
Naku, lalo na kung ating malalaman na sangkot pala ang mga nasa alagad ng batas at pinoproteksiyunan ang mga kriminal, wala ring mangyayari sa batas na ito.
Siguro dapat, idagdag sa batas na iyan, kung may pulis o sinumang law enforcer na sangkot sa carjacking, dapat patawan ng parusang bitay upang maghatid ito ng epektibong mensahe.