Pinatutukoy ng isang mambabatas kay Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica na pangalanan ang mga kongresista na sangkot sa umano’y katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay house committee on public accounts chairman at Anak Kalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, layon nito na hindi madamay ang buong institusyon ng Kamara at para na rin maging patas.
Hiniling din ni Defensor kay Belgica na maghinay-hinay sa paglalabas nito ng mga pahayag lalo na kung ito’y makaaapekto sa integridad ng mga mambabatas gayundin ng buong Kamara.
Kung patuloy aniyang magiging akusasyon lamang ang gagawin ni Belgica, sinabi ni Defensor mahirap ito sa kongresistang madadamay ang pamilya at iba pang walang kinalaman sa katiwalian sa nasabing kagawaran.