Iniimbestigahan na ng Presidential Anti Corruption Commission (PACC) ang 13 kaso ng posibleng korupsyon sa DOH at DSWD.
Ipinabatid ito ni PACC Chair Greco Belgica sa gitna na rin nang paglalantad ni Senador Manny Pacquiao ng mga aniya’y korupsyon sa gobyerno partikular sa DOH at DSWD kaugnay sa COVID-19 response.
Ayon kay Belgica, iniimbestigahan nila ang siyam na kaso ng katiwalian sa DOH at alam ni Health Secretary Francisco Duque III ang kanilang hakbangin.
Apat na kaso naman aniya ng reklamong katiwalian sa DSWD ang tinututukan nila matapos makatanggap ng siyam na libong reklamo kaugnay sa Social Amelioration Program (SAP).