Itutuloy ng Presidential Anti-Crime Commission ang imbestigasyon sa ma-anomalyang transaksyon sa paggamit ng pondo kaugnay sa ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson na P650-milyon hanggang P15-bilyong infrastructure funds ng ilang distrito sa bansa.
Ayon kay PACC Commisioner Greco Belgica, maging ang pakikipagsabwatan sa Department of Public Works and Highways ng mga kongresista na kukuha ng kickbacks sa infrastructure projects ay sisilipin nila, at kaagad isusumite sa Pangulong Rodrigo Duterte ang resulta ng imbestigasyon.
Sinabi ni Belgica na hihingin nila kay Lacson ang listahan ng infrastructure projects sa distrito ng mga mambabatas at kanilang babantayan kung mayroong korupsyon sa pagpapatupad nito lalo na sa mga big ticket projects na pinaglaanan ng bilyong-pisong government funds.
Trabaho lamang ang gagawin nila at bagamat wala naman silang hurisdiksyon sa mga kongresista, ang anumang makukuha nilang ebidensya at impormasyon ay ipapasa nila sa Ombudsman at Task Force para sa pormal na imbestigasyon sa nasabing usapin.