Target ng PACC o Presidential Anti-Corruption Commission na imbestigahan ang mga deputy ng Office of the Ombudsman.
Pahayag ito ni Dante Jimenez matapos siyang italaga ng Pangulong Rodrigo Duterte bilang chairman ng PACC.
Ayon kay Jimenez, inaalam na nya kung sakop ng kanyang tanggapan ang mga deputy sa Office of the Ombudsman dahil hindi naman sila impeachable officials na tulad ng Ombudsman.
Matatandaan na nagbabala noon ang Pangulong Duterte na paiimbestigahan nya ang tanggapan ng Ombudsman dahil sa di umano’y pangingikil nila kapalit ng pagbasura sa kaso ng ilang public officials.
Kasunod ito ng pahayag ni overall deputy Ombudsman Arthur Carandang na bubusisiin nila ang bank records ng Pangulong Duterte.