Umapela si Fighting Senator Manny Pacquiao sa WBO o World Boxing Organization na aksyunan ang sulat na ipinadala ng GAB o Games Amusement Board.
Ito ay may kaugnayan sa kahilingan ng GAB na suriin ang posibleng mga pagkakamali sa desisyon ng referee at mga hurado sa katatapos na laban ni Pacquiao kontra kay Jeff Horn.
Ayon kay Pacquiao, wala na sana siyang balak maghabol pero marami aniya ang nadismaya sa resulta ng naging laban nila ni Horn.
Nilinaw ni Pacquiao na hindi rin niya intensyong mabaliktad pa ang resulta ng laban nila ni Horn kung saan naagaw na sa kanya ng Australian boxer ang WBO welterweight title.
Bagkus, nagpahayag ng pagkabahala ang Pambansang Kamao na masira ang kredibilidad ng boksing kung hindi maaaksyunan ang mga ganitong reklamo o kwestyon.
Binigyang diin ni Pacquiao na ayaw niyang dumating ang panahon kung saan mamatay ang boksing dahil sa kawalan ng patas na desisyon ng mga officiating team.
By Krista De Dios / Ralph Obina | With Report from Cely Bueno