Kapwa liyamado sina 8-division world champion Manny Pacquiao at Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire Jr. sa betting odds sa Las Vegas para sa laban ng dalawa bukas.
Ayon ulat, minus 750 ang taya kay Pacquiao habang plus 475 naman ang taya sa kalaban ng Pambansang Kamao na si Jesse Vargas.
Nangangahulugang supor favorite ng mga boxing fan si Pacquiao sa laban habang underdog naman ang labas ni Vargas.
Samantala, minus 400 naman ang tayaan kay Donaire para sa undercard match ng bakbakang Pacquiao Vargas habang ang kalaban ng the Filipino Flash na si Jesse Magdaleno ay may tayaang plus 275.
‘Co-politicians’
Nagpahayag ng suporta sa laban ng Pambansang Kamao Manny Pacquiao ang ilang kilalang personalidad sa larangan ng pulitika sa Estados Unidos.
Isa na nga rito si Democrat Standard Bearer Hillary Clinton na nagpaabot ng pagbati sa muling pagbabalik boksing ng fighting senator.
Samantala, nagpasalamat naman si US Nevada Senator Harry Reid kay Pacquiao dahil sa malaking kontribusyon umano ng People’s Champ sa ekonomiya ng Nevada.
Ikinagalak din ng US senator na sa Las Vegas muling idaraos ang laban ni Pacquiao.
Weigh-in
Samantala, kapwa pasok sa timbang sina Manny Pacquiao at Jessie Vargas para sa WBO Welterweight Championship.
Sa weigh-in kaninang umaga, oras dito sa Pilipinas, tumimbang si Pacquiao ng 144.8 pounds habang 146.5 pounds naman ang kay Vargas.
Para naman sa weigh-in ng WBO Junior Featherweight Championship, tumimbang si Nonito Donaire ng 121.8 pounds habang ang kalaban nitong si Jessie Magdaleno ay may bigat na 121.2 pounds.
Si Pacquiao ang challenger sa laban bukas kung saan target niyang makuha ang WBO Welterweight Champion title mula kay Vargas.
By Ralph Obina | Jonathan Andal (Patrol 31)