Dismayado ang isang mambabatas dahil sa ‘misinformed’ o hindi umano naiparating ng tama kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pahayag kaugnay sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Ginawa ni Sen. Manny Pacquiao ang pahayag makaraang sabihin ni kamakailan ni Pang. Duterte na hindi sa minamaliit nito ang mambabatas, ngunit tila kailangan muna aniyang mag-aral ito hinggil sa foreign policy ng bansa bago panghimasukan ang isyu ng WPS.
Ayon kay Pacquiao, nakapanghihinayang na hindi nakarating sa punong ehekutibo ang tamang impormasyon sa kanyang naging pahayag ukol sa pinag-aagawang teritoryo, kayat nakapagsalita aniya ng ganito ang pangulo.
Naniniwala naman ang senador, na repleksyon lamang ang kanyang pahayag ng sentimyento umano ng mga Pilipino, kungsaan dapat aniyang manindigan upang mabigyang-proteksyon ang soberanya ng bansa habang isinusulong ang mapayapa at diplomatikong solusyon sa hidwaang namamagitan sa pilipinas at china dahil sa usapin ng wps.
Gayunman, sinabi ni Pacquiao na kanyang nirerespeto ang opinyon ni Pang. Duterte, ngunit hindi umano sya sang-ayon sa assessment sa kanya ng chief executive pagdating sa kanyang pang-unawa sa ating foreign policy.
Dagdag pa ng mambabatas, bilang isang Pilipino, karapatan aniyang ihayag ang kanyang saloobin upang igiit kung anuman ang mga nararapat para sa kapakanan ng mga Pilipino.