Hinimok ni Senador Manny Pacquiao ang National Telecommunications Commission (NTC) na tuparin ang nauna nitong pangako na bibigyan ng provisional authority (PA) ang ABS-CBN para makapag -patuloy ng operasyon habang inaaksyunan ng Kongreso ang renewal nito ng prangkisa.
Ayon kay Pacquiao, wala naman siguro aniyang mawawala kung bibigyan ng NTC ng PA ang ABS-CBN.
Ani Pacquiao hindi lingid sa kaalaman ng marami na katuwang ang media network sa pagbibigay ng tamang impormasyon lalo na ngayong may kinakaharap na problema sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Giit ng senador, walang kuwestyon sa pagpapatupad ng batas, ngunit sa ngayon aniya ay nasa gitna ng pakikipaglaban ang bansa sa isang kaaway na hindi naman nakikita kaya hindi umano ito ang panahon para magkawatak-watak ang mga Pilipino.
Magugunitang nuong Marso, sinabi ng NTC na makakapagpatuloy pa rin ng operasyon ang ABS-CBN matapos maglabas ng joint resolution ang Kongreso na binibigyan ang NTC ng kapangyarihan na mag-isyu ng PA.