Inihirit ni Senador Manny Pacquiao sa Beijing sa pamamagitan ng isang sulat kay Chinese Ambassador Huang Xilian na palayasin na ang Chinese militia vessel sa West Philippine Sea.
Sa kanyang liham noong April 10 para kay Huang, nagpahayag ng pagkabahala si Pacquiao sa mga ulat na nasa 220 Chinese vessel pa ang nananatili sa Julian Felipe Reef.
Ipinadala ni Pacquiao ang liham kay Huang, 16 na araw bago lumagda ang 11 kapwa niya senador na pinamumunuan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa isang resolusyon ng pagkondena sa presensya ng mga Chinese fishing vessel sa paligid ng Julian Felipe Reef.
Sinabi pa ng mambabatas, na sa halip na lumikha ng gulo sa mga kalapit bansa, mas dapat aniya umakto ang China bilang isang ‘unifying figure ‘para sa pagkakaisa ng rehiyon at respetuhin ang soberenya ng Pilipinas.
Bago ang liham ng senador, una na itong nagpalabas ng opisyal na pahayag hinggil sa paghimok sa China na paalisin na ang kanilang militia fishing boat sa karagatan sa paligid ng Julian Felipe Reef.
Iginiit rin ni ito na Pacquiao na walang katotohanan na direkta s’yang tumanggi sa paglagda sa Senate Resolution 708 na nagpapahayag ng pakikisimpatya ng senado sa pagkondena sa mga aktibidad ng mga Chinese sa exclusive economic zone ng Pilipinas at iba pang bahagi ng West Philippine Sea.
Giit ni Pacquiao, hindi agad naisapubliko ng media ang kanyang posisyon sa isyu dahil may nauna na syang personal na liham para sa Chinese ambassador.