Inihayag ni Senador Panfilo Lacson na may ibubunyag na anomalya si Senador Manny Pacquiao hinggil sa pamahalaan.
Ayon kay Lacson, ito ang sinabi ni Pacquiao sa kanya at kay Senate President Tito Sotto na mamayang hapon ay tuluyan na nitong ikakanta ang mga umano’y korapsyon.
Giit nito Lacson, desidido si Pacquiao sa kanyang isisiwalat dahil kumpleto ito ng dokumento na siyang gagamitin para patunayan ang kanyang mga paratang.
Dahil dito, pinayuhan nina Lacson at Sotto si Pacquiao na pag-aralan munang mabuti ang kanyang mga ilalabas na umano’y korapsyon dahil magiging matindi anila ang balik nito.
Sa huli, umaasa si Lacson na hindi mauuwi sa personalan ang banggan ng kapwa senador at ng punong ehekutibo.