Inamin ng isa sa mga miyembro ng Team Pacquiao na may “inborn heart problem” ang bagong WBA Welterweight Champion na si Senator Manny Pacquiao.
Ayon kay Mike Koncz, personal adviser ni Pacquiao, Hulyo 8 nang dalhin si Pacman sa Maynila mula General Santos City upang magpagamot, isang araw bago bumiyahe ng Kuala Lumpur, Malaysia.
Nahirapan anyang huminga ang People’s Champ sa training kaya’t sumailalim sa angiogram, electro-cardiogram at pinatakbo sa treadmill at nanatili sa ospital ng halos isang araw.
Aminado rin si Koncz na nais ng mga doktor ng senador na kanselahin ang laban nito kay Lucas Matthysse subalit iginiit ng mambabatas na ipagpatuloy.
Sa kabila nito, tiniyak ni Koncz na hindi pa naman dapat ikabahala ang kondisyon ng dating 8-Division World Champion at hindi naman ito nakaapekto sa kanyang performance noong linggo.
—-