Pinuri ng isang mambabatas ang Philippine Coast Guard (PCG) sa matagumpay na pagpapalayas nito sa mga Chinese maritime militia na nasa Sabina Shoal na saklaw ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon kay Sen. Manny Pacquiao, hindi maitatanggi na ginagampanan ng mabuti ng PCG ang kanilang tungkulin na protektahan ang EEZ ng bansa matapos na nagawa nitong mapaalis ang mga Chinese maritime militia noong Abril 27 at Abril 29.
Una nang napaulat na naaktuhan ng PCG na nakalinya ang pitong barko ng China sa Sabina shoal na nasa 130 miles ng kanlurang bahagi ng Palawan kayat kanila itong itinaboy.
Pagkalipas ng dalawang araw, bumalik sa lugar ang PCG, at muli nilang nadatnan dito ang limang iba pang Chinese vessel kung saan kanila rin itong pinaalis sa karagatang sakop ng pilipinas.
Giit ng senador, patunay ito na hindi patitinag sa mga Chinese vessel ang ating mga PCG na mariing binabantayan at ipinagtatanggol ang soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Pakiusap naman ni Sen. Pacquiao sa PCG na mas paigtingin pa ang pagpapatrulya sa EEZ ng Pilipinas upang maprotektahan ang mga kababayan nating nangingisda doon.