Wala namang dapat ipangamba rito, ang iniiwasan lang natin ay maapektuhan ang mga pinangangalagaan nating interes ng bayan.
Ito ang naging reaksyon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Restituto Padilla matapos magpadala ang Estados Unidos ng isang aircraft carrier na magpapatrolya sa pinagtatalunang West Philippine Sea.
Ayon kay Padilla, kailangan itong gawin ng Amerika dahil ito ay sakop ng kanilang area of responsibility. Ang isang bagay pa na pinangangambahan nila ay ‘yung freedom of navigation na baka maapektuhan dahil sa paggalaw ng China. Ang nangyayari kasi ngayon, naiiba minsan ‘yung aksyon ng China sa mga nasabi na nilang anunsyo noon pa, kaya dito nakakaroon ng hindi pagkakaunawaan. Ngayon, ang iniiwasan natin dito ay maapektuhan ang mga pinangangalagaan nating interes ng bayan.’ Paliwanag ni Padilla.
Dagdag pa ni Padilla, matagal nang ginagawa ng Amerika ang pagpapatrolya sa karagatan ng Pasipiko.
‘Mayroon na tayong nabalitaan na openly active exercises at patrol sa may Pacific side, matagal na rin silang nagpapatrolya sa international water. Masasabi nating routine kung sila ay nadadaan lamang patungong Indian ocean pero dapat maging mapagmatyag din tayo rito, kapag nadagdagan pa ‘yan ng iba pang activities katulad ng passing exercises sa iba’t ibang mga bansa, mayroong mensahe na itong ipinapahiwatig’ pahayag ni Padilla
Ang nasabing aircraft carrier ay ipinadala ng Estados Unidos sa West Philippine Sea ilang araw matapos ang nabuong tensyon makaraang sabihin ng China sa Washington na huwag nitong hamunin ang soberanya sa nasabing karagatan.
By Ira Y. Cruz (Credit to Karambola interview)