Wala pang natutukoy na grupo o mga suspek sa Samal Island kidnapping.
Ito ang nilinaw sa DWIZ ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Col. Restituto Padilla kasabay ng paliwanag na maganda itong senyales dahil masasabing buhay pa ang mga biktima.
Ayon kay Padilla, pinag-aaralan pa ng pamunuan ng AFP ang isang video at gayundin ang kanilang mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga bihag.
Aniya, iniimbestigahan pa ring mabuti ang insidente upang matukoy kung may kaugnayan sa ISIS ang grupong dumukot sa mga dayuhan at isang Pinay sa naturang isla.
“Hindi po natin masasabi talaga kung sino ang grupo kasi madami pong puwedeng mag ride on lang o ginagamit yung mga pangkaraniwang nangyayari ngayon bilang behikulo para Makita na alyado sila sa grupong ito.” Pahayag ni Padilla.
Other victims
Lima (5) pang foreigners ang nananatiling bihag ng kidnappers sa Mindanao.
Maliban pa ito sa mga Pilipino tulad ng Pinay na kasamang dinukot ng 3 foreigners sa Samal Island kamakailan.
Ayon kay Col. Restituto Padilla, Spokesman ng AFP, ito ang dahilan kaya’t maingat sila sa pagbibigay ng impormasyon sa media lalo na kung ano ang ginagawa nilang hakbang para mailigtas ang mga biktima.
Ginawa ni Padilla ang pahayag makaraang lumabas ang video na nagpapakita sa mga dinukot sa Samal Island.
Tumanggi si Padilla na tukuyin kung ang video ay isang katunayan na Abu Sayyaf ang nagsagawa ng pagdukot sa Samal Island dahil marami na anyang grupo ngayon ang gumagaya lamang sa style ng ASG.
Gayunman, itinuturing aniya nilang magandang development ang paglabas ng video dahil isa itong katunayan na buhay pa ang mga bihag.
Sa lumabas na video, hindi ransom ang hinihingi ng mga kidnappers kundi pagpapatigil sa operasyon laban sa kanila ng militar.
“Madami pa pong bihag na hawak ang mga grupo na nandiyan, sa katunayan kung hindi ako nagkakamali nabawas lang si Mayor Adana diyan na pinakawalan noong isang araw dahil nga sabi ko hindi pa natin natutukoy kung ano talaga ang grupo behind doon sa Samal abduction, hindi po natin mapapangalanan.” Pahayag ni Padilla.
By Jelbert Perdez | Ratsada Balita | Len Aguirre