Masama ang loob ng padre de pamilya ng mga biktima sa Bulacan Massacre case matapos siyang isama ng Philippine National Police (PNP) sa imbestigasyon.
Ayon kay Atty. Percida Acosta, hepe ng PAO o Public Attorney’s Office, nagtataka si Dexter Carlos kung bakit bigla syang isinama sa imbestigasyon, dalawang linggo matapos mapatay ang buo nyang pamilya.
Binigyang diin ni Acosta na wala siyang kahit isang hiblang pagdududa kay Carlos dahil na establish naman ng PNP ang motibo sa krimen.
Napagtibay rin naman sa pamamagitan ng CCTV na nasa bangko kung saan security guard si Carlos noong gabi ng krimen.
Dexter Carlos pinayuhan ng PAO
Pinayuhan ng PAO o Public Attorney’s Office ang padre de pamilya ng mga biktima ng Bulacan Massacre na huwag sasalang sa lie detector test na ipinag-uutos ng PNP o Philippine National Police.
Pinuna ni Acosta na tila may malisya ang pagpapasalang ng PNP kay Dexter Carlos dahil lumalabas na isa na rin ito sa mga persons of interest.
Iginiit ni Acosta na non-binding at mayroon nang desisyon ang Korte Suprema na hindi tinatanggap na ebidensya sa Korte ang resulta ng lie detector test.
- Len Aguirre