Tatablahin ng bagong upong lider ng pambansang pulisya ang mga palakasan o padrino system sa sinumang indibidwal na gustong pumasok sa organisasyon.
Ito’y ayon kay PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar sa panayam ng DWIZ, aniya ang ganitong gawi ang kanyang buong pusong wawakasan para manaig lamang aniya ang kakayanan ng isang aplikante.
Kung kaya’t sa QR code ng i-e-evaluate ng PNP recruitment evaluators ay hindi nito lalamanin ang larawan at pangalan ng aplikante at sa halip ay qualifications lamang ng mga ito.
Sa mga susunod na linggo sisimulan antin yung ating nationwide recruitment sa 17,000 nating pulis para sa taong ito. I-implement natin yung QR code o yung quick response code na ginawa natin sa NCRPO, sa lahat ng cases ng recruitment. Walang pangalan, walang mukha, only the qualification will only be the basis of their evaluation through that parehas na ang laban,” ani Eleazar.
Paliwanag ni Eleazar, oras na makapasok kasi ang sinumang mga unqualified applicants sa pambansang pulisya dahil sa palakasan o padrino system ay sigurado aniyang magiging sakit lamang ang mga ito ng ulo ng organisasyon dahil ang mga ito ay posibleng masangkot sa ilegal na aktibidad.
Kasunod nito, sa ngayon pa lamang ay humihingi na ng paumanhin si Eleazar sa sinumang malapit sa kanya na kanyang hindi papayagan ang palakasan sa mga gustong mapabilang sa pambansang pulisya.
Samantala, sa panig naman ng mga nagnanais na makapasok sa organisasyon, ipinangako ni Eleazar na magiging patas ang evaluation sa lahat.
Ngayon palang nakikiusap na ako sa mga lalapit sakin, mga kasamahan sa pulisya, mga nag-retired na mga general, kamag-anak, kaibigan, tatablahin natin ‘yan, ang maganda naman doon sisiguraduhin ko sa kanila na parehas ang laban kung qualified ang kanilang aplikante,” ani Eleazar.