Isinusulong ng isang kongresista ang panukalang pagbawalan ang mga grab drivers at riders na mag-abono sa mga ipinapabili ng kanilang mga kostumer.
Sa House Bill 3784 na inihain ni Pinuno Rep. Howard Guintu, ikinabahala nito ang dumaraming kaso ng mga nalolokong delivery riders at drivers na pinagbabayad ng mga produkto na hindi naman pala kukunin.
Karamihan sa mga nanggagantso ay gumagamit ng pekeng pangalan at address kaya nahirapan ang mga otoridad na hanapin ang mga ito.
Sa oras na maisabatas, kapag kinansela na ng customer ang confirmed order ay dapat ding bayaran ng service provider ang rider.
Aatasan din ng mga service provider ang kanilang riders na magsumite ng valid identification card at address kapag sila ay nagparehistro.
Ang mga lalabag ay maaaring makulong ng hanggang anim na buwan o multa na hanggang 100,000 pesos at kanselasyon ng permit.