Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Dionardo Carlos na nagpaabot sila ng tulong sa pamilya ng yumaong dating pulis na si Jonnel Nuezca.
Si Nuezca ay ang pulis na namaril at nakapatay sa mag-inang Sonia at Frank Gregorio dahil sa away magkapitbahay sa Paniqui, Tarlac nuong isang taon.
Paliwanag ni Carlos, walang pinipili ang pag-aabot ng tulong sa mga kasalukuyan at dati nilang kabaro anuman ang kanilang naging nakaraan dahil naging bahagi sila ng organisasyon.
Gayunman, nilinaw ng PNP Chief na hindi tulad ng kanilang iginagawad sa mga pulis na nasasawi dahil sa pagganap ng tungkulin ay maituturing na ring sapat ang kanilang naibigay sa pamilya Nuezca.
Ipinaubaya na rin ni Carlos sa Hepe ng Pulisya na nakasasakop sa lugar kung saan ibinurol at inilibing si Nuezca na siyang mag-aabot ng tulong ng PNP sa naulilang pamilya nito. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)