Minsan, nararanasan nating ma-conscious bigla dahil akala natin, nangangamoy na tayo. Ngunit alam mo ba na para sa ibang tao, seryosong problema ito?
Ito ay dahil mayroon silang sakit na tinatawag na olfactory reference syndrome.
Ang olfactory reference syndrome ay halimbawa ng obsessive-compulsive and related disorder. Psychiatric condition ito kung saan naniniwala ang isang tao na mayroon siyang mabahong hininga, kili-kili, o utot—kahit wala naman talaga.
Nagdudulot ang olfactory reference syndrome ng extreme social anxiety, paranoia, at isolation. Kadalasang iniiwasan ng mga apektado nito ang pumunta sa social events, maging sa trabaho, dahil nahihiya sila sa kanilang amoy. Kahit sabihan silang wala naman silang amoy, hindi sila naniniwala.
Napagkakamalan din nilang ang mga aksyon ng iba gaya pagsinghot, pagtakip sa ilong, o pagbubukas ng bintana ay dahil sa amoy nila.
Mahalagang mabigyan ng tamang atensyon at pangangalaga ang mga taong may obsessive-compulsive and related disorders.
Sa pamamagitan ng maayos na edukasyon at suporta mula sa mga mahal sa buhay at propesyonal, posibleng malabanan ang mga hamon na dulot ng ganitong mental health illness.