Halos walang magiging epekto sa ekonomiya ng bansa ang pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Ito ang tiniyak ng National Economic and Development Authority (NEDA), maliban na lamang kung magkaroon na ng major eruption.
Ayon kay NEDA Undersecretary Adoracion Navarro, mas mababa pa sa isang porsyento ang kontribusyon sa Gross Regional Domestic Product (GRDP) ng CALABARZON ang mga lugar na apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Batay na aniya sa datos ng NEDA noong 2018, nasa .17% lamang ng GRDP ng CALABARZON ang naiambag ng mga lugar na kabilang sa 14 kilometres radius danger zone ng Bulkang Taal.
Sinabi ni Navarro, katumbas lamang ito ng mahigit P4.3-B.
Dagdag naman ni Navarro, kanilang isasaayos ang mga nabanggit na datos sakaling may mangyaring major eruption.