Posibleng magkaroon pa ng pagbabago sa mga panuntunan nito sa hindi pagre-require ng COVID-19 vaccination sa mga college student at mga guro na nais lumahok sa face-to-face classes.
Ito’y matapos ang pagbatikos ni Iloilo 1st District Representative Janette Garin sa naging desisyon ng Commission on Higher Education (CHED) na tinawag niyang tagumpay ng mga anti-vaxxer.
Giit ni CHED Chairperson Prospero “Popoy” de Vera, ang pag-aalis nila ng vaccination requirement ay base rin sa ginawa nilang konsultasyon sa mga health expert at pag-aaral sa mga bansang hindi na rin nagpapatupad ng naturang polisiya.
Aniya, na-benchmark na sa ibang bansa kung ano ang kanilang ginagawa at mataas na ang vaccination rate kaya medyo ligtas na ngayon na isama yung mga hindi vaccinated.
Gayunman, nakikipag-ugnayan na ang CHED sa mga pamantasan para sa plano nitong maglunsad ng panibagong school-based vaccination sa gitna ng humihinang wall of immunity laban sa COVID-19.