Naglatag na ng kanilang mga rekumendasyon ang grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa Department of Agriculture (DA).
Ito’y upang paghandaan ang malaking epekto sa bansa ng paglala ng African Swine Fever (ASF) sa magiging suplay ng baboy sa Metro Manila at buong Luzon hanggang sa buwan ng Disyembre.
Kabilang dito ayon sa SINAG ang pagbili ng mga baboy mula sa Visayas at Mindanao na maaaring dalhin sa Maynila para maipandagdag sa suplay ng karneng baboy.
Una rito, kinumpirma ng Agriculture Department na nasa 23 lalawigan na ang apektado ng ASF sa buong bansa.
Nasa libu-libong baboy ang tinamaan ng ASF na kinakailangang isailalim sa culling o sapilitang pagpatay upang hindi na makahawa pa sa ibang alagang baboy.
Maliban pa ito sa ginagawang misting sa mga babuyan upang mapatay ang ASF virus na siyang makatutulong sa mga may-ari ng babuyan na makabangong muli.
Agad namang magbibigay ng tulong pinansyal ang kagawaran para sa mga may-ari ng baboy na namatay o isinailalim sa culling dahil na rin sa ASF.